Homily delivered by Archbishop Socrates B. Villegas at the Mass for the fortieth death anniversary of Benigno Aquino Jr. at Santo Domingo Church last August 21, 2023 at 10:00 am
Ang dugo ay buhay. Kapag naubos ang dugo, patay. Mayaman o dukha, bata o matanda, marunong o mangmang, babae o lalaki. magkakapantay tayo. Lahat ng dugo ay pula. Walang dugong iba ang kulay. Walang dugong dilaw o bughaw. Walang dugong kulay rainbow.
Ang pagdanak ng dugo ni Abel sa kamay ng kapatid na si Cain ay kasalanang naghuhumiyaw galing sa lupa na nananawagan ng katarungan. Sa mga unang dahon pa lamang ng Biblia, naroon na ang pagkakadilig sa lupa, ng dugo ng kapatid na pinaslang. Kapag bagay ang ninakaw, maaaring isauli. Kapag dugo ang ninakaw at nalagot ang buhay, paano ito maisasauli? Huwag kang papatay. Maliwanag ang utos ng Diyos.
Ang pagdanak ng dugo ay sinagot ng higanti. Maraming pinatay na kalaban si Haring David at ang kanyang mga kaapu-apuhan. Dahil madugo ang kanyang kamay, hindi niya nakita ang katuparan ng pangakong Tahanan ng Diyos.
Dugo ang bayad sa dugong dumanak sa kamay ng kapwa tao. Upang tapusin na ang higanti ng dugo para sa dugo, ibinigay ng Panginoong Diyos ang kanyang Katawan at Dugo sa Huling Hapunan at sa krus para sa kapatawaran ng kasalanan ng mundo.
Ang dugo ay buhay. Ang dugo ay pag-ibig ng Diyos. Walang hihigit pang pag-ibig sa magbuhos ng dugo para sa pinakamamahal. Iyan ng ginagawa natin ngayon—ang sariwain para sa ating panahon ang ginawa ni Jesus at ialay na muli sa Ama, ang Dugo at Katawan ni Jesus, bilang bayad puri sa kasalanan ng bawat isa at sa sala ng buong mundo.
Ang dugo ng Diyos ay buhay para sa mundo. Ang dugo ni Jesus ay para sa walang hanggan.
Ang dugo ni Jesus ay buhay para sa mga patay. Ang dugo ni Jesus ay hamon na maghandog din tayo ng buhay para sa kapwa.
Dumanak ang dugo sa tarmac ng airport apat na pung taon na ang nakakalipas. Seminarista pa lamang kami. Ang iba sa inyo ay baka hindi pa naipanganak.
Nagulat ang bayan sa kahayupan sa airport. Nag himagsik ang damdamin at sumigaw kami noon “Sobra na! Tama na! Palitan na”. Hindi ka nag-iisa Ninoy! Sa Liwasang Bonifacio may placard. Sa Ayala Avenue may yellow confetti. Naiyak. Nagalit. Nalito. Nagtanong. Nanindigan at umawit ng Bayan Ko. Libu libo ang naglamay at pumila sa ilalin ng init ng araw upang mag bigay galang sa bangkay ni Senator Ninoy dito sa Santo Domingo. Ang kanyang duguang damit at mukhang nangingitim, may tanda pa ng pagka subsob dahil sa pagpaslang, ay yumanig sa bansang takot at bulag. Nagising na kami. Hindi na kami babalik sa dilim. Hindi na pipikit. Hindi ka nag-iisa.
Iyon ng binhi na ipinunla sa tarmac na namunga ng mapayapang pagbabago sa EDSA People Power 1986. Walang namatay at pinatay sa EDSA People Power. Hinayaan tumakas na buhay ang diktador. Ang dugo sa tarmac ay bumangon, lumipad at tumimo sa puso ng Pilipinong nagising at umayaw nang pumikit pa ulit.
Pagkatapos ng apatnapung taon, naririto tayo sa parehong simbahan kung saan siya ibinurol. May dahilan pa ba? May kabuluhan pa ba? Para saan pa? Nakalimutan na ba?
Ang turo ng EDSA--Mapayapang paraang pagbabago.
Katotohanan,kalayaan,katarungan ay kayang makamit na walang dahas.
Ipinagpilitang lutasin ng drug problem sa pamamaril. Ang dugo sa tarmac ay kumalat na sa bangketa at lansangan. Dugo sa mga madidilim eskinita at walang kuryenteng bahay sa tambakan. Ang dugo ng senador at dugo ng yagit ay magkapantay sa harap ng Diyos. Pare pareho naman tayong yagit. May parusang impiyerno para sa bayang nakatuntong sa patung patong na bangkay ng mga pinaslang. At pumapalakpak pa at nagtatawa!!
Ang dugo ay buhay subalit ang pagdanak ng dugo ng kapwa ay sumpa para sa atin. May huling paghuhukom at walang makakatakas sa Hukom ng mga buhay at patay.
Patuloy pa rin ang pagpaslang sa kababayan hindi lamang sa bala ng baril.
May bala ring nakamamatay ang mga pirma sa mga batas ng kongreso at sentensiya ng hukuman na bulag sa pagbabalik ng ninakaw na yaman at buwis na ayaw bayaran.
Nagdurugo rin ang bayan dahil sa matayog na korupsyon na parang saranggola ni Pepe hindi na maabot nang tanaw. Nagdurugo rin ang bayan dahil sa Philhealth funds noong pandemic na hindi malaman kung nasaan.
Nagdurugo rin ang bayan dahil sa pagtatakip at pagkupkop sa mga mamamatay tao na kailangang tugisin ng batas.
Nagdurugo rin ang bayan sa walang ampat na fake news at bayarang trolls na bumabaluktot sa ating kaisipan, katwiran at pagpapasya.
Nagdurugo rin ang bayan kapag ang gobyerno ay tulog habang bayan ay nakalubog. Nagdurugo at naghihingalo ang bayan dahil sa bilyon bilyong confidential at intelligence funds na hindi malaman kung saan papunta ang agos habang doble na ang presyo ng bigas.
Bumaha tayo noon sa dugo ng mga kababayang pinatay sa drug war. Ngayon ay bumabaha naman at nalulunod sa lalim ng pangungutang.
Nakakamatay ang corruption. Dugo at pawis ng dukha ang nagbabayad nito. Nakakamatay ang pagsisinungaling. Liars go to hell.
Buhay tayo dahil sa dugo ng mga bayani. Ang katotohanan ay buhay. Ang katapatan ay buhay. Ang kabayanihan ay buhay.
Nagising tayo noong 1983 dahil sa dugo ni Senator Ninoy. Naligtas at napatawad tayo sa kasalanan dahil sa dugo ni Jesus.
Nagkalat pa rin ang dugo pero bakit parang nasanay na tayo at naging manhid na. Walang gana? Walang pakialam? Walang hiya para sa masama? Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan! Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.
Hindi sapat na alalahanin ang kabayanihan ni Senator Ninoy. Kailangan tayong bumangon at gumising sa pag tutulug-tulugan. Ampatin natin ang pagdudurugo bago mahuli ang lahat. Ang simula noong 1983 ay siya ring simula ngayon.
“If then my people, upon whom my name has been pronounced, humble themselves and pray, and seek my face and turn from their evil ways, I will hear them from heaven and pardon their sins and heal their land.”
May problema ang bayan. Ang problema ay ako. Hindi sila!
May lunas ang bayan. Ang lunas ay nasa akin. Hindi sa kanila!
Kapag nagbago ako at nagsisi, magbabago rin ang bayan. Ang dugo ay buhay. Gisingin sana tayo ng dugo ni Jesus at dugo ng mga bayani.
May tinig ang dugo ng bayaning si Ninoy. The Filipino is worth dying for. Nagawa ko na ang lubos na kaya ko. Kayo naman.
Wika ng Panginoon. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.
Tayo naman. Walang iwanan. Tuloy ang laban. ***